Walang Pakialam o Walang Dangal

Primum, isang salitang Latin na nangangahulugang una, pinakamahusay, at pinakamagaling. Sa konteksto ng pamamahayag, ito ay tumutukoy sa kakayahang manguna at magtakda ng mataas na pamantayan sa larangan ng pamamahayag. Subalit sa halip na magtagumpay, ang Primum—isang pahayagan ng University of Mindanao—ay pilit nilulugmok at pinabababa ng sarili nitong administrasyon.
Idineklara ng unibersidad na sila ay apolitical o hindi sangkot sa politika. Dahil dito, nadadamay ang kredibilidad at katiyakan ng pahayagan. Hindi pinapayagan ang pagsusulat ng mga artikulong may kinalaman sa politika, sapagkat ang pahayagan ay itinuring lamang na daluyan ng balita tungkol sa mga aktibidad o pangyayari sa loob ng paaralan. Nang ilathala ng Primum ang isang politikal na artikulo, tinanggal ng unibersidad ang buong pahayagan. Hindi lamang ito pagbura sa kanilang social media page, kundi pati na rin sa ilang taong pagsisikap at determinasyon ng mga estudyanteng mamamahayag na nagbuhos ng kanilang dugo at pawis sa bawat artikulo, larawan, at storyang kanilang ginawa. Higit sa lahat, ito ay nagpapakita ng malinaw na hindi pagsang-ayon sa malayang pagpapahayag, isang mahalagang katangian ng tunay na mamamahayag.
Sa ganitong pagkakataon, lumilitaw ang isang tanong: maituturing nga ba ang isang institusyon na marangal kung takot silang ipahayag ang katotohanan?
Ang pagiging mamamahayag ay hindi lamang nakatuon sa pagpapabatid ng mga pangyayari sa unibersidad; saklaw din nito ang pagbibigay ng tinig sa mga hinaing ng estudyante, na kadalasan ay may kaugnayan sa politika. Hindi dapat nililimitahan ang karapatan ng bawat mamamahayag na maghatid ng katotohanan, lalo na kung ito ay magsisilbing boses ng nakararami, sapagkat ang pagpapahayag ng katotohanan, kahit mahirap, ay simbolo ng katapangan at integridad.
Ang ginawa ng unibersidad ay hindi simpleng pagiging “walang pakialam sa politika,” kundi simbolo ng takot na malagay sa alanganin ang pangalan ng institusyon. Sa panahon ngayon, kung saan maraming tao ang nagdurusa sa kamay ng makapangyarihan, ang pagkakaroon ng access sa impormasyon sa pamamagitan ng mga pahayagan ay isang pangunahing pangangailangan. Ang pahayagan ay dapat magsilbi bilang boses ng nakararami, hindi bilang kasangkapan para sa kapangyarihan.
Sa huli, ang tunay na diwa ng pamamahayag ay hindi lamang ang mag-ulat, kundi ang manguna sa pagtatanggol ng katotohanan at karapatan ng bawat isa. Ang pagtatangkang patahimikin ang Primum ay hindi lamang pagsupil sa isang pahayagan—ito ay pagsupil sa boses ng kabataan at sa prinsipyo ng malayang pagpapahayag. Sa ganitong konteksto, malinaw na isang institusyong takot ipahayag ang katotohanan ay hindi maituturing na marangal, sapagkat ang tunay na dangal ay nakaugat sa katapangan at integridad sa harap ng hamon. Ang katotohanan, tulad ng sinasabi ng bawat mamamahayag, ay dapat manatiling walang takot at malaya, at ang pahayagan ay dapat magsilbi bilang boses ng nakararami, hindi bilang kasangkapan para sa kapangyarihan.