SA LIKOD NG MAKULAY NA TARPULIN AT CAMPAIGN JINGLES

EDITORYAL
Author:Beige A. Ledesma
Copyeditor:Aliyah Angela B. Hernal
Cartoonist:Jireh Lloyd T. Amada
SA LIKOD NG MAKULAY NA TARPULIN AT CAMPAIGN JINGLES

Ang pangangampanya ng mga politiko sa Pilipinas ay isang palabas na puno ng pangako at pag-asa, ngunit kinakailangan nang harapin ang masakit na katotohanan — hindi lahat ng tumatakbong politiko ay may tapat at magandang hangarin para sa ating bansa. Marami sa kanila ay tumutungo sa politika hindi upang maglingkod kundi upang maghari. Hindi upang magbigay kundi upang kumuha. Ang katungkulan ay hindi tinitingnan bilang isang responsibilidad na paglilingkod, kundi bilang isang oportunidad para sa kapangyarihan, kayamanan, at impluwensya.


Sa nalalapit na halalan, muling nasasaksihan ng taumbayan ang iba’t ibang estratehiya ng mga kandidato upang makuha ang kanilang boto. Sa kasalukuyang kampanya, matindi ang paggamit ng social media bilang pangunahing plataporma sa pagpapakalat ng impormasyon, ngunit kasabay nito ang paglaganap ng disimpormasyon at fake news. Maraming politiko ang nagpapakita ng imahe bilang maka-masa at progresibong lider, subalit hindi lahat ng nakikita online ay sumasalamin sa kanilang tunay na layunin. Gaano pa man ka tingkad ang kulay ng kanilang mga tarpulin or ka “catchy” ang kanilang mga campaign jingle, hindi nito sinasalamin ang totoong mithiing kanilang ninanais.


Panibagong Henerasyon: Walang Katapusang Dinastiyang Politikal

Bawat kulay na makikita sa mga naka paskil na poster ay may sinisimbolo. Hindi lamang ito partido ng mga politiko kundi pati na rin ang mga pamilyang tumatakbo katabi ang isa’t isa. Sa datos ng Center for People Empowerment in Governance (CenPEG), halos 80% ng Kongreso ay kinabibilangan ng mga miyembro ng mga dinastiyang politikal. Mula 2001 hanggang 2019, ang bilang ng mga dinastiyang politikal ay tumaas mula 75% tungong 84% ng Kamara, at mula 70% tungong 83% ng Senado.


Nakasaad sa Political Dynasties Study ng Ateneo School of Governmen noong 2019 na ang mga lalawigan sa bansa na pinamumunuan ng mga dinastiyang politikal sa loob ng mahabang panahon ay may mas mataas na antas ng kahirapan at mas mababang kaunlaran. Ang paulit-ulit na pagbabalik sa poder ng iilang pamilya ay malinaw na nagpapatunay na ang politika sa Pilipinas ay hindi tungkol sa paglilingkod kundi sa pagpapanatili ng kapangyarihan.


Hindi Matapos-tapos na Ikot ng Korapsyon

Hindi rin nalalayo ang isyu ng paulit-ulit na korapsyon sa kampanya ng mga politiko. Sa halip na maging panahon ng pananagutan, nagiging pagkakataon pa ang eleksyon para sa mga kandidatong may bahid ng katiwalian upang linisin ang kanilang pangalan sa publiko. Ayon sa Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), maraming halal na opisyal ang napatunayang sangkot sa mga kaso ng korapsyon ngunit nakakandidato pa rin sa susunod na eleksyon, madalas gamit ang kampanyang puno ng pangako at propaganda. Maging ang Ombudsman ay nag-ulat na mahigit P700 bilyon ang nawawalang pondo ng gobyerno taun-taon dahil sa korapsyon, isang halagang maaaring gamitin upang mapabuti ang serbisyong pampubliko.


Sa kabila ng mga kasong isinampa laban sa mga tiwaling politiko, marami pa rin sa kanila ang nakakalusot at patuloy na lumalahok sa halalan. Ayon sa datos ng Sandiganbayan, mula 2010 hanggang 2020, nasa 20% lamang ang conviction rate ng mga anti-graft cases, na nagpapakita ng kahinaan sa pagpapanagot sa mga may sala. Sa ganitong kalagayan, nagiging mas madali para sa mga tiwaling opisyal na gumamit ng malalaking pondo sa kanilang kampanya, habang ipinapakita ang sarili bilang malinis at karapat-dapat sa posisyon. Dahil dito, ang eleksyon ay nagiging laban ng pinakamalakas at pinakamayaman, sa halip na isang patas na proseso ng pagpili ng tunay na lider para sa bayan.


Botante Bilang Kalakal

Isa sa pinakamalalang problema tuwing panahon ng kampanya ay ang talamak na pagbili ng boto. Sa halip na magtuon sa pagpapakilala ng kanilang plataporma, maraming kandidato ang gumagamit ng pera upang tiyakin ang kanilang panalo. Ayon sa pag-aaral ng Institute for Political and Electoral Reform (IPER), umaabot sa P5 hanggang P3,000 ang presyo ng isang boto sa ilang lugar sa bansa. Ang ganitong sistema ay lalong laganap sa mga malalayong lugar at mahihirap na komunidad, kung saan ang mga botante ay madalas na bumoboto hindi batay sa kakayahan ng kandidato, kundi sa halagang kanilang matatanggap.


Bukod sa vote-buying, may mga lugar din kung saan nalilimitahan ang kalayaan ng mga botante na pumili ng kanilang lider. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), sa ilang probinsya, ang eleksyon ay hindi isang malayang proseso dahil sa takot sa karahasan o sa dominasyon ng isang makapangyarihang pamilya. Dahil dito, nagiging pabor ang laban para sa mga kandidatong may malaking pondo at malalim na koneksyon, habang ang mga kandidatong may tunay na malasakit sa bayan ay nahihirapang makipagsabayan. Sa ganitong sitwasyon, ang kampanya ay nagiging laro ng impluwensya at yaman, sa halip na isang patas na labanan ng ideya at plataporma.


Kakulangan ng Platform-based Politics

Sa panahon ng kampanya, mas binibigyang-diin ng mga kandidato ang kanilang personalidad at imahe kaysa sa konkretong plataporma. Sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga solusyon sa kahirapan, katiwalian, at iba pang suliranin ng bansa, mas inuuna nila ang pagpapalakas ng kanilang pangalan gamit ang celebrity endorsement, grandeng rally, at social media propaganda. Kasama rito ang paggamit ng mga matunog na campaign jingle, na kadalasang hango sa mga sikat na awitin upang madaling tandaan ng masa. Minsan, sinasabayan din nila ang mga nauusong sayaw at internet trends upang magmukhang maka-masa at relatable. Gayunpaman, sa kabila ng aliw na hatid ng kanilang kampanya, kadalasan ay hindi malinaw kung paano nila tutuparin ang kanilang mga pangako.


Ayon sa Social Weather Stations (SWS), karamihan sa mga Pilipino ay bumoboto batay sa personalidad ng kandidato at hindi sa kanilang plataporma. Sa isang survey noong 2022, 67% ng mga respondente ang nagsabi na ang personalidad at popularidad ang pangunahing batayan ng kanilang pagboto. Pinatutunayan ito ng pag-aaral ng University of the Philippines Political Science Department, na nagsasabing ang politika sa Pilipinas ay nananatiling "personality-oriented" kaysa "platform-oriented." Dahil dito, maraming kandidato ang mas pinipiling gumamit ng mga pekeng pangako at mapanlinlang na imahe sa halip na ipaliwanag ang kanilang konkretong plano sa pamamahala. Sa ganitong sistema, nagiging mahirap para sa mga botante na matukoy kung sino ang may tunay na kakayahan at malasakit sa bayan, lalo na kung ang kampanya ay umiikot lamang sa kasikatan at hindi sa tunay na kakayahan sa pamumuno.


Pangwakas na Panawagan

Ang mga katotohanang ito ay nagpapakita ng malalim na problema sa ating sistemang pampulitika—isang kulturang inuuna ang kasikatan kaysa kakayahan, at isang kampanyang puno ng pangako ngunit kulang sa konkretong plano. Bilang mga mamamayang may kapangyarihan ng boto, tungkulin nating maging mapanuri at responsable sa pagpili ng ating mga lider. Hindi sapat ang matunog na campaign jingle, pagsabay sa uso, o pagbibigay ng aliw sa mga rally. Dapat nating suriin ang track record ng mga kandidato, alamin ang kanilang tunay na hangarin, at kilatisin kung may kakayahan silang mamuno nang tapat at epektibo.


Upang maisaayos ang sistema ng pangangampanya sa bansa, kailangang paigtingin ang pagpapatupad ng mga batas laban sa vote-buying, disimpormasyon, at iba pang mapanlinlang na taktika sa eleksyon. Ang mga lumalabag sa mga patakarang ito ay dapat managot upang mapanatili ang integridad ng halalan. Bukod dito, kailangang palakasin ang voters’ educatio upang turuan ang mamamayan kung paano pumili ng tamang lider batay sa plataporma at hindi lamang sa personalidad o popularidad. Sa pamamagitan ng masusing pagsusuri sa track record, konkretong plano, at tunay na hangarin ng mga kandidato, maiiwasan nating maloko ng mga pekeng pangako at panandaliang gimik ng kampanya.


Totoo na mahirap baguhin ang pananaw ng mga botanteng matagal nang nabulag ng tradisyunal na politika at panandaliang benepisyo. Gayunpaman, sa tamang pagsisikap at patuloy na edukasyon, maaari itong maging sandata para sa mas maliwanag na kinabukasan. Ang pagbibigay-kaalaman sa mga mamamayan tungkol sa kanilang kapangyarihan bilang botante ay isang mahalagang hakbang upang mabago ang kultura ng eleksyon sa bansa. Higit sa lahat, dapat nating igiit ang pananagutan sa mga halal na opisyal—hindi lang tuwing kampanya kundi sa buong panahon ng kanilang panunungkulan. Ang tunay na pagbabago ay hindi nagmumula sa entablado ng kampanya, kundi sa matalinong desisyon ng bawat botante sa balota, sa patuloy na pagpapanagot sa mga nasa posisyon, at sa sama-samang pagkilos para sa mas maayos at makatarungang sistemang pampulitika sa bansa.