Makulay na Pag-ibig sa SeekLove 2026

“Kasalanan ba’ng mahulog sa’yo?”
Napahinga na lang ako nang malalim nang marinig ang liriko ng kantang “Naiilang” ni Le John. Natamaan ka rin ba? Ayos lang ’yan! Ayon nga kina Hans at Anna, love is an open door. Malaya kang makakapasok, ngunit hindi sa lahat ng oras ay nananatiling bukas ito. Minsan ay naghihintay lamang ito para sa “the one” bago tuluyang sumara. Minsan naman ay pansamantalang nakasara, ngunit sa tamang panahon at sa tamang tao, muli itong magbubukas.
Hindi na bago sa lahat ang pagkakaroon ng crush, ‘yung mga tuksuhan, ang palihim na mga sulyap, o ang makakita ng mga estudyanteng mapapa “sana all!” ka nalang sa kanilang love life, ngunit hindi lang naman ‘yan ang ipinagdidiriwang ng ng araw ng mga puso. Ito rin ay pagdiriwang ng pagkakaibigan, pamilya, at tsansa para alalahanin ‘yung mga panahon na ni-reject tayo dahil may ibang gusto si crush!
Noong Pebrero 11, 2026, maagang pinasiklab ng Siklab ang selebrasyon ng SeekLove 2026! Nagsimula ang saya sa SeekLove Trivia, kung saan nag-unahan ang mga mag-aaral sa pagsagot ng iba’t ibang mga katanungan. Kapansin-pansin din ang iba’t ibang kulay na suot ng mga mag-aaral dahil minsan, may mga bagay na hindi kailangan ng salita, kulay pa lamang ay may pahiwatig na.
Nagkaroon din ng Destiny Yarn, o ang paglalagay ng tatlong kulay ng yarn sa taong gusto mong maging kaibigan, pinahahalagahan mo, o hinahangaan mo. Mayroon ding Confession Booth, Cupid’s Games, at Heart Cutouts na nagbigay ng saya at kilig sa mga manonood. Kinilala rin ang mga mag-aaral na lumahok sa ginanap na intramurals ilang buwan na ang nakalipas. Kasabay ng pananghalian, nagsimula rin ang scavenger hunt, kung saan may mga gawain silang kailangang tapusin bago nila mapasasakamay ang premyo.
Sa pagsapit ng hapon, nagpatuloy ang pagkilala sa mga estudyanteng lumahok noong intramurals. Opisyal din na bumukas ang isa sa mga pinakahinihintay ng lahat, ang Mind Our Business 3: THE GRAND TRADE OF HEARTS, kung saan makikita ang iba’t ibang klase ng pagkain, kasuotan, o DIY crafts na maaaring ipang-regalo sa mga kaibigan o ka-ibigan. Nagbigay din ng kilig ang Siklab Live Band sa pamamagitan ng mga kantang talagang tatatak sa puso ng lahat. Sa bawat ritmo at liriko, tila muling nabuhay ang katanungan kanina. Kasalanan ba’ng mahulog sa’yo?
Isang masigla, makulay, at sumisiklab na araw ng mga puso para sa lahat!